Mga Pagsubok na Kinakaharap ng mga Kabataan Ngayon
Dahil sa makabagong panahon, maraming pagbabago ang nagdulot ng magagandang oportunidad at mga suliranin. Ang mga kabataan ngayon ay may kalayaan sa paggawa ng mga bagay-bagay, ngunit kasabay nito ang mga pagsubok o isyu na madalas nilang hinaharap. Ngayon, tatalakayin natin ang mga pagsubok na kinakaharap ng karamihan sa mga kabataan sa kasalukuyan.
Ito ang mga kasalukuyang pagsubok na Kinakaharap ng mga Kabataan Ngayon
1. PROBLEMA SA PERA O KAHIRAPAN
Ang kahirapan ay isa sa mga pangunahing isyung kinakaharap ng mga kabataan ngayon. Nagdudulot ito ng maraming suliranin tulad ng kakulangan sa pera, pagkain, at gamot. Nagreresulta rin ito sa limitadong oportunidad, lalo na sa edukasyon. Dahil dito, maraming kabataan ang mas pinipiling magtrabaho kaysa mag-aral upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
2. PROBLEMA SA PAG-AARAL
Ang problema sa pag-aaral ay nagiging dahilan kung bakit maraming kabataan ang nahihirapang makaintindi at makisabay sa kanilang mga aralin. Ang kakulangan sa suporta, kahirapan sa pag-access ng mga gamit pang-edukasyon, at kawalan ng sapat na gabay mula sa mga guro o magulang ay ilan lamang sa mga hadlang na nararanasan nila. Dahil dito, nakakaranas sila ng matinding stress at anxiety na nakakaapekto hindi lamang sa kanilang pagganap sa paaralan kundi pati na rin sa kanilang kalusugan ng isip. Ang mga kabataang nahihirapang makisabay sa aralin ay mas malamang na mawalan ng interes sa pag-aaral, at ang kakulangan sa kaalaman at kasanayan ay maaaring magdulot ng mas seryosong hamon sa kanilang hinaharap.
3. PROBLEMA AT KULANG SA SUPORTA MULA SA PAMILYA
Isa ring kasalukuyang problema ng mga kabataan ang mga suliraning nagmumula sa sarili nilang pamilya. Ang mga ito ay maaaring dulot ng kakulangan ng suporta, hindi pagkakaunawaan, o kaya'y hiwalay na magulang. Dahil sa mga problemang ito, ang ilang kabataan ay nagiging emosyonal na malayo sa kanilang pamilya, na nagreresulta sa pagrerebelde, paglayo ng loob, o pagkakaroon ng anxiety. Ang kawalan ng emosyonal at moral na suporta mula sa pamilya ay nagiging sanhi ng kanilang kawalang-interes sa pag-aaral at iba pang positibong gawain, at nagiging dahilan upang humanap sila ng atensyon o suporta mula sa
ibang tao o mga bisyo.
4. PEER PRESSURE AT SOCIAL MEDIA
Ang peer pressure at impluwensya ng social media ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa mga kabataan ngayon. May mga bagay na nakikita nila sa social media na nagiging sanhi ng insecurity, inggit, at stress sa kanilang pagnanais na makisabay sa iba. Dahil dito, nafo-force silang gawin ang mga bagay na hindi sila komportable upang makasabay sa uso o hindi mapag-iwanan ng mga kaibigan. Ang impluwensiyang ito ay maaaring makapagbago sa isang kabataan, lalo na sa kanilang
pananaw sa sarili at sa mundo.
5. BULLYING
Ang bullying ay isa sa mga problema ng mga kabataan ngayon, mapa-physical man o verbal. Maaring mangyari ito sa paaralan, komunidad, o sa social media. Maaaring magdulot ito ng depresyon, anxiety, mababang self-esteem, at pag-iwas sa mga tao o aktibidad. Kahit saan man ito mangyari, pareho itong may masamang epekto sa kabataan, tulad ng pagkawala ng tiwala sa sarili at seryosong isyu sa kalusugan ng isip.
6. PROBLEMA SA PAG-CONTROL SA SARILI
Ang problema sa pag-control sa sarili ay dulot ng mga pagbabago sa katawan, pananaw, at emosyon sa panahon ng puberty. Ang mga kabataan ay madalas nakakaranas ng impulsive na kilos tulad ng mabilis na galit, labis na paggastos, sobrang pag-inom ng alak o sigarilyo, at pananakit ng damdamin ng iba, mapa-physical man o verbal. Ang mga ito ay maaaring magdulot ng hindi tamang ugali at paglayo ng mga tao sa kanila, pati na rin ang pagsuway sa mga patakaran. Ang kakulangan sa self-control ay kaugnay din ng mga isyung tulad ng "Peer Pressure at Social Media," kung saan ang impluwensya ng ibang tao at ang mga ideal na imahe sa social media ay nagpapalala sa kanilang mga desisyon.
7. MAAGANG PAG-BUBUNTIS
Ang maagang pagkakaroon ng pamilya ay kadalasang dulot ng kakulangan sa kaalaman tungkol sa sex education at tamang paggamit ng proteksyon. Ang mga kabataan na maagang nabubuntis ay maaaring makaranas ng mga seryosong problema tulad ng abortion, bullying, o pagtigil sa pag-aaral. Dahil dito, marami sa kanila ang napipilitang magtrabaho ng maaga upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang anak. Ang maagang pagbubuntis ay maaari ding magdulot ng malubhang epekto sa kalusugan ng isip, dahil ang mga kabataan ay hindi pa handa sa mga responsibilidad ng pagiging magulang. Maaaring magdulot ito ng matinding anxiety, depresyon, at takot, lalo na kung hindi nila alam kung paano sasabihin sa kanilang mga magulang o kung paano haharapin ang mga bagong hamon sa kanilang buhay.
8. WALANG TIWALA SA SARILING KAKAYAHAN O LOW SELF-ESTEEM
Ang low self-confidence ay isang problema ng karamihan na nagdudulot ng negatibong epekto gaya ng takot sa pakikihalubilo, paglayo ng loob sa ibang tao, hirap sa pagdedesisyon, at kawalan ng motibasyon sa iba't ibang aspeto ng buhay. Dahil dito, nagiging mababa ang pagtingin ng isang tao sa kanyang sarili, nawawalan ng layunin, at nagdududa sa sariling kakayahan, na humahadlang sa kanyang personal na pag-unlad at nagdudulot ng pangmatagalang negatibong epekto sa kanyang relasyon sa ibang tao.
9. CHILD ABUSE
Ang sexual, physical, at verbal abuse ay maaari ring maranasan ng mga kabataan, na nagdudulot ng matinding negatibong epekto tulad ng pagkawala ng kumpiyansa at tibay ng loob. Ang mga traumang ito ay maaaring mag-iwan ng malalim na sugat sa kanilang kaisipan at emosyon, na madadala nila hanggang sa kanilang pagtanda, at maaaring makaimpluwensya sa kanilang mga relasyon, pagdedesisyon, at pangkalahatang pananaw sa buhay.
10. MENTAL HEALTH
Ang mental health ay isa sa mga pagsubok na kinakaharap ng mga kabataan ngayon; sanhi nito ang stress sa paaralan, kawalan ng suporta sa pamilya o pagkakaroon ng broken family, peer pressure, bullying, addiction, at iba pang mga hamon sa buhay na nagdudulot ng malaking epekto sa kanilang pang-araw-araw na kalusugan at kabuuang kaligayahan.
Lahat ng kabataan ay may kanya-kanyang pagsubok na hinaharap, kaya’t hindi natin sila dapat pagtawanan; unawain natin sila at magsilbing gabay sa kanilang paglalakbay. Huwag tayong susuko, anuman ang problema ang ating hinaharap—lagi nating tandaan na ang bawat kahirapan ay may hatid na kagandahan. Lahat tayo ay may panahon upang magbago at maging mas mabuting tao.
BY : Princess Airish Lumba